Tuesday, November 30, 2004
biYaheNg QuiaPo

I did this as a reaction paper for my Psych 118 class. We went to Quiapo last Nov. 26. It's an experience I would not trade for anything else...

***

BIYAHENG QUIAPO

Dalawang araw matapos ang aming pag-iikot sa Quiapo ay heto pa rin ako na parang high sa pangyayari. Ang ironic naman kung sasabihin kong parang panaginip ang lahat. Kung tutuusin, higit pa sa katotohanan ang aking nakita. Gising na gising ako noon at hindi nananaginip. Nakita ko ang Quiapo sa isang bagong liwanag. Hindi ko na talaga maalala kung kailan ako huling nakapunta roon. Dinadaanan-daanan ko lang siya siguro. Hindi ko talaga alam.


“Ito ba ‘yong papuntang Quiapo?” ang tanong ng isang kaklase habang nakaupo ako’t naghihintay sa may hagdan ng Palma Hall Annex. 12:30 na noon. Labinlimang minuto na lamang at aalis na raw kami. Masaya ang lahat. Magulo. Maingay. Excited siguro. Kanya-kanyang kwentuhan. Sa loob ko’y unti-unti ko nang kinokolekta ang aking mga impresyon sa Quiapo. Hindi man mabuting gawin pero maaari na rin sigurong tawaging stereotyping ang aking ginagawa. Hindi na bago sa akin ang Quiapo. Hindi ba’t doon nag-shooting ang huling teleserye ni Piolo Pascual? Iyon din ata ang lokasyon ng pelikulang “Santa-Santita”. Kapag Quiapo ang pinag-uusapan, hindi mawawala ang kilalang Simbahan ng Quiapo kung saan taun-taon pinaparada ang naghihimalang Nazareno. Maraming nagtitinda at nanghuhula sa labas ng simbahan. Magulo roon. Sabi nila, maraming magnanakaw.

Kakaiba ang aming naging biyahe. Dahil sa marami kami, masaya at maingay ang lahat. Walang pakialam kung maingayan ang mga taong katabi. Mayroong mukhang inis na sa amin. Kapansin-pansin naman ang pagtataka ng ilan. Iyon ang unang pagsakay sa LRT 2 ng karamihan sa amin. Sa palagay ko’y natutuwa tuloy ang ibang pasahero kapag kami’y pinagmamasdan at pinakikinggan. Ganoon talaga ang mga Pinoy diba? Mahilig magmasid. Mahilig mamansin ng mga taong umano’y ignorante o baguhan pa sa isang bagay. Nakakalimutan nilang sila ri’y dumaan sa “first time” na iyon. Sa paglipas ng panahon, ang pagiging kontento sa pagkatuto ang siyang nagbibigay ng lakas ng loob sa kanya para umastang magaling sa iba.

Ang buong biyahe papuntang Quiapo ay parang isang pagbiyahe tungo sa ibang dimensyon, ibang daigdig, isang parallel universe ika nga ng ilan. Matapos ng mahabang panahon, noon lang uli ako nakasakay ng tren. Ang saya pala. Pakiramdam ko’y nasa ibang bansa ako. Moderno at high-tech. Pero sa pagdungaw ko sa may bintana, tanaw ang realidad ng buhay sa Pilipinas. Kitang-kita mo ang usok, trapiko, kahirapan, at kinakalawang na mga bubong ng bahay. Sabi nga ng isa sa amin, pangit pala tingnan ang Maynila sa itaas. Hindi ko maiwasang sumang-ayon. Ngunit, tanggap ko na rin ‘yon. Ganoon talaga.

Tama nga ang sabi ni Ma’am Tess sa unang bahagi ng aming pag-iikot sa Quiapo. Nasa may tulay kami noon. Umaalingasaw ang baho ng paligid. Halos hindi mahalata ang maliit na ilog sa ilalim ng tulay na mistulang basurahan ng mga taga-Quiapo. Sabi ni Burnham dati, maganda ang Maynila at kaya nito tapatan ang ibang mga siyudad sa ibang bansa. Nasa ibaba namin ang tinaguriang papantay sa Venice ng Italya. Hinayang ang aking naramdaman. Sabi ni Ma’am Tess, “We cannot change the view of Manila, but we can change people’s view of Manila.” Maling isiping ito’y nangangahulugan ng kawalan ng pag-asa para sa pagbabago ng Maynila. Kailangan nating matanggap ang katotohanang hindi madaling mabago ang Maynila. Hindi kaila ang mga imahe ng Maynila sa mata ng ibang mga dayo rito. Halos negatibo ang lahat ng impresyon sa Maynila. Puno ng kahirapan. Laganap ang krimen at polusyon. Hindi makabubuti sa atin, lalo na tayong mga Pilipino, na ikahon ang Maynila sa mga impresyong ito. Sa isip man lang sana’y masimulan natin ang pagbabago ng Maynila. Dito natin siya higit na matutulungan. Nakakatuwang isipin na sa ibang parte nito’y nagsisimula na ang rehabilitasyon. Sa isip ng isang pinuno gaya ni Mayor Atienza, unti-unti niyang binago ang Maynila para sa turismo. Sana, ang turismong ito’y hindi lamang para sa mga banyagang turista kung hindi para rin sa mga Pilipinong banyaga at turista na ring maituturing sa kanyang sariling bansa.

Kakaiba ang pakiramdam sa bawat pagpunta namin sa isang lumang bahay sa Quiapo. Gaya ng sabi ni Krystel, ang Quiapo ay isang lugar ng kahapon at ngayon. Pero nais ko pang dagdagan ang kanyang sinabi. Ang Quiapo ay isang lugar ng kahapon, ngayon, at bukas. Sa pagpasok namin sa mga lumang establisimiyento sa Quiapo, pakiramdam ko’y bumabalik ako sa lumang panahon. Sa pagtingin ko sa mga malalaki’t lumang salamin sa Bahay Nakpil at sa Bahay Estrella, wari’y isang babaeng naka-baro’t saya ang repleksyong nakikita ko. Naiwan sa mga lumang bahay na aming napuntahan ang esensya ng nakalipas. Ang paghihirap ng mga Pilipino para sa kalayaan at kapayapaan. Ang galing at sining ng mga Pilipino. Ang impluwensiya ng mga banyaga. Ang malaking puno sa loob ng Bahay Zamora, kung makakapagsalita lamang, ay malamang makapagkukuwento ng isang makulay at masalimuot na kahapon. Maaaring ikwento ng aking inupuan sa Bahay Nakpil ang naging pag-uusap nina Bonifacio, Rizal, at Mabini. Baka ikuwento sa atin ng mga nagtatagong imahe ng mga santo sa Ocampo Garden ang lungkot sa halos paglimot sa kanila ng marami. Ano’ng malay ko’t baka may sikretong nakatago sa lumang baul sa bahay Estrella. Ang lahat ng mga ito’y nagsisilbing tulay sa ngayon. Paglabas ko sa mga bahay ay nakikita ko ang realidad. Ang naging bunga ng nakaraan. Ang modernong mga bahay, sasakyan, at kung anu-ano pa’y patunay ng pagbabago. Ang mga ito’y simbolo ng pagpupunyagi at kabiguan. Sa mga tao ko nakikita ang bukas. Kami lamang ang makapagsasabi sa maaaring sapitin ng Quiapo, Maynila, at Pilipinas bukas. Kami ang kapitan ng Bapor Tabo.

Marami akong naging panghihinayang sa pag-iikot sa Quiapo. Nakita ko ang importansya ng kasaysayan. Nakita ko ang posibilidad na ito’y maaaring mawala dahil sa pagbabaliwala, pang-aabuso, at paninira. Ang dating magandang Ocampo Garden ay natatakpan na ngayon ng mga nagsisiksikang bahay. Noong nandoon kami’y nakita namin ang isang lugar kung saan maraming mga kabahayan ang nasunog. Sa sobrang sikip ng lugar ay madali itong natupok at hindi agad napuntahan ng mga bumbero. Ang garden house ni Jose Mariano na matayog at dati’y mistulang isang naliligaw na pagoda sa Pilipinas ay luma na’t wari’y isang matandang babae. Lumipas na ang ganda nito. Para makalikom ng pondo’y nagsisilbi na itong tirahan para sa mga seamen.

Sa Quiapo ko rin nakita ang kultura. Alam mo bang ang Quiapo ay isa palang uri ng halaman? Alam mo rin bang hindi na makita ang halamang ito dahil sa malilinis na tubig lamang ito tumutubo? Alam mo rin bang ang bahay noong araw ay sementado sa ibaba at kahoy sa itaas bilang paghahanda sa lindol? Nalaman kong hindi madaling mahulog ang buntot ng nilechong native na baboy. Mayayamang lamang ang nalilibing sa loob ng Simbahan ng San Sebastian.

Macu-culture shock ka talaga kung hindi ka handa. Maraming tao sa paligid at maraming tindahan na sa wari ko’y iligal ang ilan. Doon ko nakita ang paghahalo hindi lamang ng mga tao kung ‘di pati ng relihiyon. Ang Simbahan ng San Sebastian na gawa sa bakal ay matayog at simbolo ng simbahang Katoliko. Nasasabuyan ito ng maliliwanag na kulay tuwing nadaraanan ng liwanag ng araw ang mga makukulay na bintana nitong nagpapakita ng mga birhen, santo, at santa. Sa malapit lamang ay ang Mosque ng mga Muslim. Bilang respeto sa relihiyon nila’y naglagay pa kami ng mga pantakip para sa aming buhok. Isang dome at crescent moon naman ang matayog na nasa taas ng mosque. Maraming nagdarasal noong kami’y nandoon. Tinangka pa nga kaming kumbinsihin ng isang tao roon sa pamamagitan ng pagkukuwento na mas mabuti raw ang relihiyong Islam. Iyon ang kanyang paniniwala at iba rin ang sa akin. Bilang respeto sa kaibahan ng mga relihiyon namin, nakinig na lamang ako at ang iba sa amin ng saglit.

Wari’y nahigop ng pag-iikot sa Quiapo ang aming enerhiya. Pagod na pagod ang marami nang matapos na’t nagsiuwi na rin. Balik ulit sa tren, ang portal namin sa ibang dimensyon at mundo. Balik muli sa realidad na higit naming kilala. Ang biyaheng Quiapo na wari’y nagsisimula pa lamang ay siguradong hindi pa natatapos.

~~Christine Nadal~~





0 Comments:

Post a Comment

<< back to the main page

cHoX's reaLm



Layout design & graphics by mela
Powered by Blogger
WWF for the li'l side pictures
Photos taken from various sites - googled and yahooed.
The rest...the works...fabulous and shit...edited by yours truly :)


*HUGS* TOTAL! give nadZ more *HUGS*

geocities hit counter

Locations of visitors to this page

Creative Commons License
This work is licensed under a
Creative Commons Attribution-NonCommercial-NoDerivs 2.5 License
.